ANAK
Naniniwala ako na lahat tayong mga anak, darating ang araw, ay tayo naman ang magaalaga sa mga magulang natin. Kung dati rati, tayo ang inaaruga. Panigurado may panahon na tayo naman ang magaaruga sa kanila. Ganun ang nanay sa lola ko. Kahit na may kalakasan pa naman ang lola ko sa edad na 93. Minsan hindi na nya rin kinakaya ang magpalit ng diaper at underwear. Pag nagkakasakit ito at sinasamahan ko ang nanay. Nakikita ko pano nya punasan ng basang bimpo at palitan ng damit ang lola ko. Minsan nakita kong namumugto ang mata ng nanay lalo na nung nakita nyang nahihirapan ang lola ko. Tumungo muna ko sa likod bahay at nagtago at dun ako lumuha.
GURO
60 nung nagretiro ang nanay sa pagtuturo. ilang estudyante naba ang naturuan nya? Ilang taon rin na ba siya dati sa serbisyo? Ilang eleksyon, PTA meeting, at graduation ang kanyang nadaluhan? Hindi rin mabilang… pero bale wala yun kay nanay. Tulad ng sabi ko dati. Natutuwa ako kapag nababasa ko ang sulat ng mga estudyante nya sa kanya. Kung pano sila nagpapasalamat sa nanay ko, na gumanap na ina nila sa paaralan. Marami na rin syang regalo na natanggap, greeting cards, maliliit na figurine, at kung anu-ano pa galling sa mga estudyante at naging estudyante nya. Aaminin ko natatawa ako sa una, pero nung pinabasa ni nanay yung ibang sulat, dun ko naisip na napakaswerte ko. Na guro nila ang nanay ko. Na hindi lang ako ang nagmamahal sa kanya.
NANAY
Di ko na rin mabilang na ilang sermon ang natanggap ko sa kanya. Nasabi ko sa isang tao na ang pinakamaagang alaala na natatandaan ko, yun yung tinuturuan ako ng nanay ko na magsulat at gumuhit sa isang maliit na chalkboard habang nakaupo ako sa balustre ng terrace namin dito sa bahay. Naalala ko din nung pinagalitan niya ako sa harap ng klase namin dahil nasunog ko yung sinaing na pinaluto nya sa akin sa school canteen. Naalala ko nuon na na may mga araw na naghahati kami sa isang lucky me chicken noodle at tig-isa kami ng nilagang itlog na syang tanghalian namin sa school. Naalala ko nung nakita ko syang umiiyak palabas ng aking highschool dahil may katarantaduhan akong nagawa at napatawag kaming dalawa sa principal’s office.
Nay, alam ko pasaway ako. Hanggang ngayon naman. Pero alam ko na nakikita mo na nagsisikap ako. Lagi kong tinatandaan ang mga pangaral mo. Lagi ko rin pinagdadasal na sana dumating ang panahon ako naman magaaruga at magaalaga sayo at maipasyal ko kayo ni tatay sa malayong lugar. Sa ngayon mahihiling ko lang na maging malusog kayong dalawa. Happy birthday po.
x's - Susubukan kong mag I love you sa kanya. Di ko pa to ginagawa. Pero alam ko, magagawa ko to. :)
para sa inayakan kong isulat dati, basahin mo to.






